Si Lolo Pedro

No comments
Kagabi, past 9 na kami nakauwi ng mga officemates ko. Pauwi ako ng Parañaque kaya bus ang sasakyan ko. Pagbaba ko ng MRT Boni at papunta sa antayan ng bus, biglang pumatak ang ulan.

Binuksan ko ang aking payong at nakita ko ang isang lolo, marahil nasa 70 years old na siya sa tantsa ko, na walang payong at nakasuot lang ng sumbrero. Maayos siya, malinis, at mukang pauwi siya mula sa isang kamag-anak na binisita o nagpa-check up sa doktor.

Agad ko siyang pinayungan bilang instinct lang naman. "Ay, thank you," kanyang isinagot. Natuwa naman ako na hindi niya tinanggihan ang pag-offer ko ng payong ko sa kanya.

"Saan ka papunta?" sabi ni Lolo. "Sa Bicutan po ako. Kayo?" sagot ko. "Sa FTI ako. Sayang hindi tayo pareho ng pupuntahan," ani niya. Ika niya, alas-singko y media pa siya nagaantay ng bus. "Grabe itong araw na ito. Ang lakas ng ulan kanina kaya stranded ang mga pasahero," kwento niya. "Opo nga po eh. Saan po kayo galing?" tanong ko. "Sa opisina," sabi niya.

Nagulat ako na nagtatrabaho pa siya! Sabi niya sa opisina daw ng Senior Citizens ng Mandaluyong siya nagtatrabaho. Sa Security daw siya. Nabilib ako dahil feeling ko ang tanda na niya talaga pero narito siya, pauwi galing sa opisina.

"Saan ka galing?" tanong naman ni Lolo. Sabi ko sa Unilab Foundation ako nagtatrabaho. "Ah, sa United Laboratories? Mahusay na kumpanya yan. Napakabait ni Campos," sabi niya. Nakakatawa ang sunod kong tanong. "Ah, naabutan niyo po siya?" Haha. Malamang diba.

Wala pa ring dumadating na bus na pa- FTI. Kung meron man, punong-puno ito hanggang pintuan. Tuwing may dadating na FTi na bus, pinapara ko ngunit hindi na magkakasya si Lolo. Parang di na niya kaya sumabit kaya sabi ko "sa susunod nalang pong bus, Tay."

Naisip kong mag-taxi na lamang at ihatid siya sa kanila. Ngunit matumal din ang mga dumadaang taxi. "Sa Alabang ba na bus pwede ka?" tanong niya sa akin. Sabi ko hindi ako pwede dahil malayo na yun. Maya-maya, tinanong niya ako ulit, "Sa Alabang ba na bus, pwede ka sumakay?"

Patuloy ang patak ng ulan. Alas-10 na ng gabi, di pa rin kami nakakasakay. Tinanong ko kung kumain na siya ng hapunan, hindi pa raw. "Sanay na rin tayo," bulong niya. Bawat bus na dumadaan, binabasa namin ang placard ng sabay, umaasa na may FTI. "Sumakay ka na kung may bus ka na ha," bilin niya. Sabi ko wala pang bus na pa-Bicutan na kasya ako. Puno rin lahat.

Tinanong niya ako ulit, "yang Alabang ba na bus, pwede ka diyan?" Naalala ko ang aking lolo't lola na pagkakakulit kung tanungin ako kung gusto ko uminom ng Milo tuwing agahan. "Hindi po ako pwede diyan eh," sagot ko.

Hanggang sa may dumating na bus, air-conditioned, na papuntang Bicutan. Maluwag pa ito at pwede na akong sumakay at iwan siya kung gusto ko. Pinilit ko nalang siyang sumakay na rin at sabi ko sumakay nalang siya ng jeep sa Bicutan papuntang FTI. Pumayag siya. Nakasakay na kami ng bus.

Pagsakay namin though, puno na pala. Wala nang upuan. Kinapalan ko na ang mukha ko at tinapik ko ang isang kuyang nakaupo at sinabing paupuin niya si Tatay. Salamat sa kanya, at nakaupo si Lolo. Agad-agad nilabas ni Lolo ang pera niya sa kanyang bulsa. Suma total 90 pesos ang dala niya. Nilabas niya ang 50 pesos niya at sinabing "Ako na."

Syempre di ako papayag. Haha. Buti nalang at yung konduktor sa likod ko nanggaling. Matagal ang biyahe namin ngunit okay lang dahil nakaupo naman si Lolo. At least.

Pasado alas onse na nung dumating kami sa Bicutan. Umakyat kami ng overpass at sabi niya 10 years ago pa siya huling nakaakyat sa overpass na yun. Takot ko lang na baka maligaw o madulas si Lolo, sinamahan ko siya hanggang sa sakayan ng jeep pa-Tenement. Sasakay pa daw siya ng tricycle pa-looban pagbaba niya ng jeep.

Tinanong ko siya kung kaya niya pa maglakad, bilang ang haba ng overpass. "Oo naman, kaya pa," ang sabi niya. Tinanong ko kung ilang taon na siya. Hindi ako handa sa naging sagot niya. "80."

Nagulat ako ngunit mas nalungkot ako dahil dapat sa edad niyang yan, nasa bahay nalang siya at nagpapahinga. Pero hindi. Alas onse ng gabi at eto kami, naglalakad pauwi galing sa opisina. 8 to 5 din daw ang pasok niya. So ilang oras lang mula noon, makikipagsapalaran na ulit siya sa pagsakay ng bus.

Nakakita ako ng jeep na Tenement at pinara ko ito. Tinanong ko siya, "ano pong pangalan niyo?" "Pedro Robles," sabi niya. Nagpakilala rin ako at sabi pa niya, "Nako, bigatin ang mga Santiago." Haha. Tanong niya bago siya sumakay ng jeep, "Hapon-hapon ka ba dun sa may Boni? Magkikita nalang tayo ulit doon." Sabi ko ginagabi na ako ng uwi. Binigyan ko siya ng calling card ko para lang mapanatag ako na okay siya. "Ayan mabuti," sabi niya.

Paandar na yung jeep, kinatok ko at tumigil ulit ito. Pinasakay ko na si Lolo Pedro. Sabi ko mag-ingat siya, at kinonfirm ko sa driver kung pa-Tenement nga iyon. Nakita ko siya sa loob ng jeep, sinuksok niya yung calling card ko sa bulsa niya, at nilabas ang perang pambayad. Nakita kong tinanong niya pa yung mga pasahero kung pa-Tenement nga ba iyon. Tumango naman ang aleng katabi niya.

Umakyat na ako ng overpass at umuwi. Nakakalungkot lang na kailangan pang magtrabaho ni Lolo Pedro kahit otsenta na siya. Okay lang sana yun eh, kaso sa bawat araw na papasok siya, nararanasan rin niya lahat ng hirap na dinaranas ko. Eh nagrereklamo na nga ako diba? Paano pa siya? Paano pa ang ibang Lolo Pedro sa Pilipinas?

Sana nakauwi siya ng maayos. Inaantay siya ng kapatid niya.


Kuya Judy

No comments :

Post a Comment